Mga lokal na pamahalaan sa Camarines Norte, hinikayat na magtayo ng tanggapan ng mga may kapansanan

Other News


DAET CAMARINES NORTE (PIA) – Hinikayat ng Persons Disability Affairs Office (PDAO) ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines ang mga lokal na pamahalaan dito na magtayo ng tanggapan ng mga may kapansanan.

Ayon kay Rex Bernardo, provincial disability affairs officer, ito ay batay sa Republic Act 10070 na dapat magtayo ng PDAO sa first and third class municipalities at sa fourth and sixth class municipalities naman ay maglalagay ng focal person.

Aniya, kailangan lang na magkaroon ito ng budget at ordinansa o resolusyon sa paglalagay ng PDAO sa bawat bayan.

Ayon pa kay Bernardo, limang bayan na sa Camarines Norte ang mayroong tanggapan ng mga may kapansanan na kinabibilangan ng Daet, San Lorenzo Ruiz, Paracale, Basud at Labo at nakatakda na rin magkaroon nito ang ibang mga lokaal na pamahalaan ngayong taon.

Dagdag pa niya, umaabot na sa 6,200 na bilang ng mga PWDs sa Camarines Norte ang nasa kanilang datus kung saan batay sa National Household Census ay 34,000 ang mayroong kapansanan sa lalawigan.

Kaya’t hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan na magtayo ng tanggapan ng Municipal Disability Affairs Office (MDAO) upang mabigyan ng prayoridad ang mga PWDs ayon pa kay Bernardo.

Sinabi pa niya na kasama rin ito sa Seal of Good Housekeeping ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na idinagdag ngayong taon sa pagkakaroon ng PDAO sa bawat bayan.

Ayon pa rin kay Bernardo nakatakda na rin magkaroon ng wheelchair lift o elevator sa kapitolyo probinsiya ngayong taon para sa mga may kapansanan upang makarating ang mga PWDs sa ikalawang palapag na gusali para sa kanilang mga kailangan sa mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.

Ang mga Persons with Disabilites (PWDs) na nangangailangan ng assistive devices o wheelchairs ay magsadya sa kanilang tanggapan sa kapitolyo probinsiya upang mabigyan ng naturang kagamitan.

Kailangan lang na magdala ng liham mula sa tanggapan ng gobernador, larawan ng may kapansanan at medical certificate bilang pagpapatunay na siya ay mayroong kapansanan ayon pa kay Bernardo.

Samantala, kamakailan ay isinagawa sa Social Hall ng Camarines Norte State College (CNSC) ang unang Disability Inclusive Disaster Risk Reduction Management (DRRM) Training para sa mga PWDs mula sa ibat-ibang bayan kung saan ibinahagi nila ang mga opinyon tungkol sa Local DRR Plan sa usaping may kapansanan.

Isinagawa rin ang pagsasanay sa mga kababaihang PWDs tungkol sa pagsisimula ng negosyo sa pamamagitan ng Seminar On Start Your Own Business sa Pratesi Café sa bayan ng Daet.

Binigyan rin ng pagkakataon ang mga may kapansanan na ipakita ang kanilang mga talento sa PWDs Got Talent sa selebrasyon ng anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan at Bantayog Festival na bawat taon ng isinasagawa ng pamahalaang panlalawigan.

Maliban pa dito ay isasagawa sa Mayo 11 ang pagsasanay para sa mga bagong PDAO tungkol sa kahalagaan at tungkulin ng tanggapan upang matutunan ang mga pagpaplano at pagbabadget ng pondo para sa mga programa.

Ito ay kaugnay sa isinagawang Talakayan sa PIA on air ng Philippine Information Agency (PIA) provincial office ng Camarines Norte sa DWCN-FM Radyo ng Bayan kamakailan.(ROV/PIA5-Camarines Norte)
Source: Philippine Information Agency (Bicol)


No comments:

Post a Comment